Itinatag noong ika-21 ng Hulyo taong 2018, ang Samahan ng Magka-Kapitbahay sa Pulong Sta. Cruz ay binuo upang isulong ang agrikultura at pangisdaan sa kanilang lugar. Dahil sa kanilang mga nakamit na tagumpay sa pagpapaganda ng kanilang komunidad at paghahatid ng alternatibong pagkakakitaan sa kanilang mga kasapi, ang mga miyembro ng kanilang maliit na samahan ay patuloy na dumarami.

Sa ilalim ng programang Aquaponics ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 4A (BFAR 4A), ang Samahan ng Magka-Kapitbahay sa Pulong Sta. Cruz ay nabiyayaan ng isang double grow-bed aquaponics at 100 piraso ng semilya ng tilapia noong ika-24 ng Agosto taong 2020. Sa kasalukuyan, ang samahan ay nakapag-ani na ng mahigit kumulang na 40 kilo ng tilapia sa kanilang Aquaponics sa loob ng tatlong siklo simula ng ika-11 ng Setyembre taong 2020 hanggang ika-11 ng Hunyo ngayong taon. Kung saan, ito ay lubos na nakatulong sa kanila upang may mapagkuhanan ng sapat na pagkain para sa bawat miyembro ng kanilang samahan noong mahigpit pa ang mga tuntunin dahil sa pandemya.

Dahil sa magandang ani mula sa Aquaponics, hangarin ng samahan na madagdagan pa ang kanilang Aquaponics set at mapabilang sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Ornamental Fish project ng BFAR 4A.

Sa kabila ng pandemya at pakikipagsapalaran ng bawat miyembro upang umangat sa kahirapan, pinipili pa rin nila na makapag-ambag sa ikagaganda at ika-aayos ng kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagutulungan at pagkaka-isa. (atcdelacruz)

#TagapagtaguyodNgMalinisAtMasaganangKaragatan

#MalinisatMasaganangKaragatan