“Isang mapagpalang araw sa lahat!

Ngayong Mayo ay ating ipinagdiriwang ang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda, kung kaya’t ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ay nagpapaabot ng taos-pusong pagpupugay at pasasalamat sa lahat ng magsasaka at mangingisdang Pilipino para sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagsisiguro ng suplay ng pagkain sa ating bansa, higi’t lalo ngayong tayo ay nasa gitna ng isang pandemya.

Bilang pagkilala sa hindi matatawarang sakripisyo ng ating mga bayaning magsasaka at mangingisda, nabuo ang temang “May pandemya man o wala, Magsasaka’t Mangingisda Maaasahan ng Bansa”. Sa temang ito, ating binibigyang halaga ang kanilang walang humpay na serbisyo na makapaghatid ng abot – kaya, ligtas, at sapat na pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino habang ang lahat ay nahaharap sa isang matinding krisis pangkalusugan. Sa kabila nito, batid nating lahat na bago pa man magsimula ang pandemyang ito o sa kahit ano pa mang sakunang dumating ay patuloy ang pagpupunyagi ng ating mga magsasaka at mangingisda para sa sektor ng pagsasaka at pangisdaan. Tunay ngang sila ay maaasahan anuman ang hamon ng panahon.

Dahil dito, hinihimok ng DA-BFAR ang lahat ng mamamayang Pilipino na patuloy na tangkilikin ang mga produktong bunga ng dugo’t pawis ng ating mga magsasaka at mangingisda. Sa ganitong paraan, ating mas mapapasigla ang industriya na siya namang maghahatid ng mas mataas na kita sa isang sektor na siyang nagpapatibay ng pundasyon ng ating kaseguruhan sa pagkain.

Sa panig ng pamahalaan sa pamamagitan ng DA-BFAR, sinisiguro po namin ang buong suporta sa sektor ng pagsasaka at pangisdaan at bilang pagsukli sa kabayanihan ng ating mga mangingisda, ay patuloy kaming magsusulong ng mga programang magbubunga ng Masaganang Ani at Mataas na Kita para sa mga mangingisdang Pilipino.

Mabuhay ang mga Magsasaka at Mangingisdang Pilipino!”

#FarmersAndFisherfolkMonth2021
#TagapagtaguyodngMalinisAtMasaganangKaragatan
#OneDA